Sunog at magkayakap nang marekober ang bangkay ng dalawang magkapatid matapos silang maiwan sa nakakandado nilang kubo sa Misamis Occidental.
Ayon sa mga ulat nasa edad dalawang taong gulang at apat na taong gulang ang magkapatid na noo’y iniwanan ng kanilang mga magulang sa loob ng bahay upang maghanapbuhay.
Sinasabing ikinadena rin daw ng kanilang mga magulang ang labas ng bahay upang hindi makaalis ang kanilang dalawang paslit.
Batay sa ulat ng Sinacaban Fire Station, magkayakap nilang natagpuan ang bangkay ng dalawang bata kung saan tila sinubukan pang protektahan umano ng nakatatandang kapatid ang kaniyang bunsong kapatid.
Hindi rin daw agad nakasaklolo ang ilang residente sa lugar dahil pawang magkakalayo ang kani-kanilang mga bahay.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog na nagtagal lamang umano ng ilang minuto dahil gawa lang daw sa light materials ang bahay ng mga biktima. Tinitingnan daw nila ang posibilidad na naiwang apoy sa kanilang lutuan.