Marami ang nagulat sa pagsisiwalat ng sikat na radio personality na si DJ Nicole Hyala na na-diagnose siyang may thyroid cancer.
Aniya sa kaniyang Instagram post noong Hunyo 23, surprisingly daw, kalmado lamang daw niyang tinanggap ang resulta ng kaniyang biopsy at hindi naghisterya.
Sinabi rin ng doktor na ang thyroid cancer niya ay "friendliest" sa lahat ng uri ng cancer, kaya wala raw dapat ika-panic ang mga tao tungkol sa kaniyang lagay.
"So… I just found out I have thyroid cancer," ani Nicole.
"And surprisingly, I am calm. But before you panic, ayon sa mga eksperto, thyroid cancer is often called the 'friendliest' cancer. And that’s good, because I’ve already been through worse."
"I’ve faced battles that broke me, seasons that nearly crushed me. But here I am still standing, still smiling, still kumikinang. :) I’ve survived storms that could’ve drowned me and this is just another wave I know I can ride, with God beside me."
"This diagnosis wasn’t part of my plan, but it’s part of God’s. And I know He’s walked with me through deeper valleys before, so I trust He’ll walk me through this too."
Saad pa ni Nicole, tila "nagkamali" raw ng kinalaban ang cancer dahil alam niyang malalagpasan niya ito.
"Thyroid cancer. You’re just another name and I have faith in the One who’s above all names. So let’s do this, thyroid cancer. You picked the wrong girl. Mali ka ng kinalaban. Wag ako. Hahahahaha!"
Sa comment section ng post ay bumaha naman ang paghanga at pagsuporta ng netizens para sa radio DJ na nagpapakita ng katatagan ng loob sa kabila ng hamon sa kaniyang kalusugan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mali ka ng kinalaban!' DJ Nicole Hyala, kalmado lang sa thyroid cancer
Sasailalim sa operasyon si Nicole sa Hulyo at tatanggalin ang kaniyang thyroid.
ANO NGA BA ANG THYROID CANCER AT ANO ANG MGA SINTOMAS NITO?
Ayon sa World Health Organization, ang thyroid cancer ay isang malignant (cancerous) growth na nagde-develop sa thyroid gland, isang organ na matatagpuan sa base ng lalamunan na responsable sa paglalabas ng hormones na nagkokontrol sa metabolismo, heart rate, blood pressure, at temperatura ng katawan. May apat na uri ito: papillary, follicular, medullary, at anaplastic thyroid cancer. Ang una raw ang pinakakaraniwan.
Sa tala ng Department of Health noong Setyembre 2024, sa paggunita ng National Thyroid Cancer Awareness Month, ang thyroid cancer ay isa sa top 10 cancers sa Pilipinas, na may 7,777 bagong kaso kada taon at 25,000 naman sa five-year prevalent cases, na kadalasang umaatake sa kababaihan.
Kadalasang sintomas nito ay pagkakaroon ng lump o swelling ng leeg, hirap at masakit na paglunok, pagbabago sa timbre ng boses, at pananakit ng leeg o lalamunan, kaya kinakailangan ng agarang check-up lalo na sa mga taong may history nito sa pamilya.
BAKIT "FRIENDLIEST" ITO SA LAHAT NG URI NG CANCER?
Tinawag na "friendliest" ang cancer dahil sa "high curability" at "relatively good prognosis" nito; sa madaling salita, madali lamang ang gamutan kung may early detection at sasailalim agad sa operasyon. Ayon kay Nicole Hyala, sasailalim siya sa operasyon sa Hulyo, at dahil daw "friendly" ang cancer, tatanggalin lang daw sa kaniya ang thyroid o tinatawag na "thyroidectomy." Bukod sa thyroid cancer, ginagawa ito sa mga pasyenteng may goiter, hyperthyroidism, o may suspicious thyroid nodules.
Kaya naman, kailangan daw ni Nicole Hyala ng dasal upang malagpasan ang pagsubok na ito.