Sinariwa ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist first nominee Atty. Leila De Lima ang paglilingkod ni dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa ikaapat na anibersaryo ng kamatayan nito.
Sa latest X post ni De Lima nitong Martes, Hunyo 24, inilarawan niya ang paglilingkod ni PNoy bilang tahimik ngunit malalim ang bakas na iniwan.
“Ngayong araw, ginugunita natin ang isang Pangulong hindi kailanman inuna ang sarili. Tahimik siyang naglingkod, pero malalim ang iniwang bakas sa ating demokrasya,” saad ni De Lima.
“Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naranasan ko kung paanong maglingkod nang walang takot, sapagkat alam mong ipinagtatanggol ka ng prinsipyo,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng bagong halal na kongresista, “Walang panggigipit, walang palakasan, walang kapalit na pabor. He allowed truth to take its course, even when it was uncomfortable, even when it meant shaking the status quo.”
Matatandaang si De Lima ang dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ayon sa kaniya, wala raw ibang direktiba noon si PNoy kundi gawin kung ano ang tama.
Si PNoy, ang nagsilbing ika-15 pangulo ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016. Siya ay anak nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.
Pumanaw siya noong Hunyo 24, 2021 sa edad na 61 dahil sa sakit.