December 13, 2025

Home BALITA

Sen. Risa, pinuna pagiging petiks ng Palasyo sa posibleng epekto ng hidwaang Israel-Iran

Sen. Risa, pinuna pagiging petiks ng Palasyo sa posibleng epekto ng hidwaang Israel-Iran
Photo courtesy; Senate of the Philippines, AP news

Nagpahayag ng agam-agam si Sen. Risa Hontiveros tungkol sa posibleng epekto sa Pilipinas ng lumalalang tensyon sa pagitan Israel at Iran. 

Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Lunes, Hunyo 23, 2025, iginiit ng senadora na huwag daw sanang magpakampante ang Malacañang sa hidwaan ng nasabing mga bansa, lalo na raw sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

"Malacañang, huwag pakampante at tiyaking ligtas ang OFWs sa gitna ng lumalalang sigalot ng Israel at Iran!" ani Hontiveros.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros kung may ginagawa na raw bang mga hakbang ang gobyerno ng Pilipinas upang mailigtas ang milyong OFWs.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

"The whole of government must prepare measures to safeguard OFWs in the region. Milyon-milyon ang Pilipinong maaapektuhan kung sakaling lumalala ang krisis sa Middle East. There is no room for complacency. Ano nga ba ang kahandaan ng pamahalaan? May plano na nga ba para iligtas ang napakaraming OFW?"

Ayon sa datos na inilahad ni Hontiveros, tinatayang nasa 29,473 Pinoy ang nananatili pa rin sa Israel habang nasa 1,184 naman ang nasa Iran. Dagdag pa niya, pumalo na rin daw sa 2.2 milyon ang kabuuang bilang ng mga Pilipino na nasa Middle East na hindi malayong maapektuhan din ng sigalot ng Iran.

Samantala, kaugnay nito, nauna nang nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na marami pa ring Pilipino ang hindi pinipiling umuwi pabalik ng Pilipinas, bunsod ng pakikipagsapalaran sa kanilang kikitain, partikular na sa Israel.

"First, they want to earn. So, in Israel, for example, the minimum salary there is $1,600 a month. They don't want to give that up," anang DFA.

Nananatiling nasa alert level ang Iran at Israel na hudyat ng malawakang voluntary repatriation na itinaas ng DFA kamakailan bunsod ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.