Grabe ang karanasan ng isang babaeng social media personality sa Amerika matapos niyang magkaroon ng impeksyon sa sinus, dulot ng dating karelasyon.
Ang dahilan? Inututan daw siya sa mukha ng kaniyang ex-boyfriend!
Iyan ang ibinahagi ni Christine Connell sa kaniyang fans at followers, kung saan, nagkaroon siya ng impeksyon sa ilong noong 2016.
Salaysay ni Connell, hindi sinasadyang mapautot ang kaniyang ex noon habang nagbibihis ito, at siya naman, nakahiga sa kama. Tamang-tama raw na sumabog ang masamong hangin sa mukha niya.
Noong una raw ay tinawanan at binalewala lamang nila ito, subalit makalipas ang ilang araw, nakaramdam na si Connell ng iba't ibang sintomas gaya ng malalang headache, pagkabara ng ilong, at pabalik-balik na lagnat at sipon.
Kaya naman, nagpakonsulta siya sa espesyalista nang tuluyan nang tumindi ang mga sintomas. Dito nga nakita ang Escherichia coli o E. coli bacteria sa sinus ni Christine. Ang nabanggit na bacteria ay kadalasan daw na nakikita sa bituka, at hindi sa ilong.
Sa paliwanag ng doktor, posibleng naapektuhan ng bacteria ang sinus niya dahil mahina ang kaniyang immune system.
Biro ng mga netizen, matagal na silang wala ng ex niya subalit nasa kaniya pa rin ang "alaala" nito.