Kritikal ang isang 28 taong gulang na lalaki matapos siyang buhusan ng gasolina at saka sinindihan sa Taguig City.
Ayon sa mga ulat, nakaupo lang ang biktima sa isang eskinita nang biglang dumating ang suspek na bigla na lamang siyang binuhusan ng gasolina at saka sinindihan gamit ang lighter.
“Ito regalo ko sayo,” sambit umano ng suspek sa biktima.
Nagtamo ng third degree burn ang lalaki sa kaniyang iba’t ibang parte ng katawan. Posible umanong selos ang motibo ng suspek.
Isang babae pa ang nadamay sa pagsiklab ng apoy sa kanilang eskinita, na noo’y nakaupo lamang din malapit sa puwesto ng biktima. Nagtamo siya ng paso sa kaniyang binti matapos kapitan ng apoy sa biglang pagsiklab ng gasolina. Mabuti na lamang daw ay nakakuha siya ng damit sa kanilang sampayan kaya’t naagapan niya ang pagkalat nito sa kaniyang katawan.
Samantala, napag-alamang minsan na ring naireklamo ang suspek dahil sa pambubugbog sa kaniyang dating kinakasama. Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad matapos ang mabilis na pagtatago ng suspek mula sa crime scene.