Dead on the spot ang isang 51 taon gulang na driver na lalaki matapos siyang makaladkad at madaganan ng sariling van na minamaneho sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa mga ulat, patungo raw sana sa isang camp site ang naturang van kung saan sakay ng biktima ang tinatayang 13 pasahero. Sa kalagitnaan ng biyahe bigla na lamang daw may kumalabog sa kanilang sasakyan, dahilan upang bumaba ang biktima at silipin ito.
Lumalabas sa imbestigasyon na hindi raw nai-handbrake ng biktima ang sasakyan, dahilan upang bumulusok ito pababa ng kalsada hanggang sa makaladkad siya. Ayon sa mga pasahero narinig pa nila ang sigaw ng biktima na i-handbrake ang sasakyan ngunit sa bilis umano nang pangyayari ay wala na raw silang nagawa.
Sinasabing may nagulungang hindi pa tukoy na bagay ang sasakyan dahilan upang tumagilid ito at dumagan pa sa katawan ng biktima.
Ilang pasahero rin ang nagtamo ng minor injuries at agad na isinugod sa ospital. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.