Nanindigan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na patuloy umanong gugulong ang kaso para sa 34 nawawalang sabungero.
Ayon sa panayam ng media kay Remulla nitong Lunes, Hunyo 23, 2025, iginiit niyang bagama't mabagal daw na umuusad ang kaso, tiniyak niyang patuloy ang pangangalap nila ng sapat na ebidensya.
"Talagang hindi kami naggi-give up, we have not given up on anything or anybody, ganoon lang talaga mabagal minsan ang kaso, ito po ay proseso-kinakailangang may ebidensya na makalap at ginagawa ho namin ang lahat" ani Remulla.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na rin ang DOJ sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa pag-iimbestiga sa mga nawawalang sabungero.
"Basta ano, we process the information pero may arrangement na kami [ni] PNP Chief Torre," anang DOJ Secretary.
Saad pa niya, "Mayroon kaming corroborative evidence na kasama. Bata mayroon kaming ibang klase ng evidence pa."
Matatandaang kamakailan lang nang gumawa ng ingay ang rebelasyon ni Totoy na sa Taal Lake inilibing ang lahat ng 34 napaulat na nawawalang sabungero, kabilang na raw ang ilang drug lords.
KAUGNAY NA BALITA: 2 menor de edad na tagapagpatuka ng manok, kasama sa mga pinatay na nawawalang sabungero
Ikinokonsidera na ring makipagtulungan ng DOJ sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy upang marekober ang umano’y bangkay ng mga biktima sa Taal Lake.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ makikipagtulungan sa PCG, Navy para sa mga nawawalang sabungerong inilibing sa Taal Lake