Usap-usapan ng mga netizen ang ginawang pagtatanggol ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa anak ng kaniyang misis na si Jennylyn Mercado, matapos siyang okrayin ng ilang mga netizen.
Si Jazz, na 16 na taong gulang na, ay anak ni Jen sa dating karelasyong si Patrick Garcia.
Ang anak ni Jen ay na-diagnose na may autism spectrum disorder. Dito umikot ang pang-ookray ng isang basher matapos magkomento sa ibinahaging Instagram post ng "Sanggang Dikit" star habang namamasyal sila sa mall ng anak, kasama ang anak naman ni Dennis kay Carlene Aguilar na si Calix.
"Spending the day with my boys, discovering wonders and picking up some cool stuff at the National Geographic store," mababasa sa caption ni Jen.
Banat ng isang basher, "Parang may autism anak ni Jen."
Hindi naman ito pinalagpas ng aktor at kinomentuhan, "May problema po ba kayo sa may autism?'"
Isang netizen naman ang nagsabing tila "malamya" raw ang bata.
"Wow. Hiyang hiya naman ako sa pagmumukha mo," diretsahang buwelta naman ni Dennis.
Marami naman sa mga netizen ang tila nasa panig ni Dennis at sinabing tama lang daw ang ginawa niya. Tila marami raw sa mga tao ngayon ang hindi pa rin mulat sa pagkakaroon ng special needs ng ibang mga bata.