January 26, 2026

Home BALITA Probinsya

Bangkay ng 18-anyos na dalaga, ibinaon sa bakuran ng tiyuhin ng kaniyang jowa

Bangkay ng 18-anyos na dalaga, ibinaon sa bakuran ng tiyuhin ng kaniyang jowa
Photo courtesy: Albay PPO

Patay na nang matagpuan ang 18 taong gulang na dalagang napaulat na nawawala, sa Pawa, Tabaco City, Albay.

Ayon sa mga ulat, Hunyo 21, 2025, nang ipinagbigay-alam ng pamilya ng biktima sa mga awtoridad na nawawala ang kanilang anak. 

Sa hiwalay na impormasyon, ibinahagi ng pamilya ng kasintahan ng biktima na umalis din ito sa kanilang bahay noong Hunyo 21 at nagpaalam na pupunta sa bahay ng kaniyang tiyuhin.

Makalipas ang 24 oras, noong Hunyo 22, humingi na ng tulong ang pamilya ng biktima sa Tabaco Police upang masamahan sila sa sinasabing bahay ng tiyuhin ng boyfriend ng dalaga.

Probinsya

Lalaking nambuhos ng mainit na kape sa jowa, sugatan matapos tagain at gantihan

Nang makarating sa patutunguhang bahay ang mga awtoridad, nakatanggap naman sila ng impormasyon hinggil sa pagsuko ng suspek at pag-amin sa krimeng nagawa sa kasintahan.

Napag-alamang kusang-loob na umanong sumuko ang suspek na boyfriend ng biktima sa pulisya at inamin ang ginawang krimen sa dalaga.

Sinasabing nagkaroon daw ng pagtatalo ang biktima at suspek kaya niya sinakal ang biktima hanggang sa malagutan ito ng hininga. Mismong suspek din ang nagturo kung saang bahagi ng bahay ng kaniyang tiyuhin niya inilibing ang bangkay ng biktima.

Agad namang narekober ang bangkay ng biktima. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung kasabwat umano ng biktima ang kaniyang tiyuhin.