May mensahe at paalala ang aktor na si Jericho Rosales matapos niyang makitaan ng ilang mga kalat ang bahagi ng dalampasigan ng pinasyalang dagat sa Tandag, Surigao Del Sur.
May gig si Echo sa nabanggit na lugar kasama ang bandmates niya kaya naman sinamantala na rin niya ang pagkakataong makapamasyal.
Pero tila nadismaya ang actor-singer sa ilang mga basurang tumambad sa kaniya sa dalampasigan; ang isa pa nga, may sachet pa ng ginamit na condom.
Makikita rin ang ilang mga basyo ng deodorant na iniwanan na lamang basta-basta at hindi itinapon sa akmang basurahan.
Kaya hirit ni Echo, "Mabango nga kilikili mo, ang baho naman ng trato mo sa kalikasan."
"Ang puti nga ng kilikili mo, ang itim naman ng budhi mo sa kalikasan," aniya pa.
Bukod pa rito, marami pa siyang mga kalat na nakita sa buhanginan; ang masaklap, lahat nang iyon ay plastik na kapag inanod sa dagat, matatagalan pa bago ma-decompose o baka nga hindi na.
Kaya sa isang Instagram video, hinimok ni Echo ang beachgoers na magtulong-tulong na lamang sa pangangalaga ng kalikasan at pagtapon ng mga kalat sa tamang basurahan.
"Malinis na dagat, maganda turismo, di ba? Equals, trabaho," anang Jericho.
"Ang linaw ng dagat natin, o. Kaya natin yan. Rock and roll lang," dagdag pa niya.