Ipinagtanggol ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa latest episode ng One News interview na “The Long Take” noong Linggo, Hunyo 22, sinabi ni Gatchalian na may mga kondisyon umano para manatiling miyembro ng nasabing programa.
“‘Yong 4Ps, hindi ayuda ‘yan. May kondisyon ‘yan. They have to keep staying in school, their kids, and they have to do the early health intervention,” saad ni Gatchalian.
“Ang maximum amount na natatanggap ng isang pamilya, ₱3,500,” pagpapatuloy niya. “Hindi ka naman mabubuhay sa ₱3,500.”
Dagdag pa ng kalihim, bukod sa 700,000 na miyembrong lumikas na bunsod ng “exit mechanism,” marami rin umanong kuwento ng tagumpay ang mga kasapi ng 4Ps.
“Mayroon din tayong mga bar topnotchers. In fact, close to a million families have already produced a college grad in their family,” ani Gatchalian.
Ang 4Ps o Republic Act 11310 ay pambansang estratehiya ng gobyerno upang masugpo kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash transfer sa mahihirap na sambahayan hanggang pitong taon upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon na aspekto ng buhay ng mga miyembro nito.