Inanunsiyo ni U.S. President Donald Trump ang ginawa nilang pag-atake sa tatlong nuclear sites ng Iran.
Sa isang social media post nitong Linggo, Hunyo 22, kinumpirma ni Trump ang nasabing pag-atake sa tatlong nuclear sites kabilang na ang Fordow, Natanz, at Isfahan.
“All planes are now outside of Iran air space. A full payload of BOMBS was dropped on the primary site, Fordow. All planes are safely on their way home,” saad ng pangulo ng Amerika.
Dagdag pa niya, “Congratulations to our great American warriors. There is not another military in the World that could have done this. NOW IS THE TIME FOR PEACE! Thank you for your attention to this matter."
Matatandaang nagsimula ito matapos ilunsad ng Israel ang malawakang pag-atake sa Iran noong Biyernes, Hunyo 13. Dahil dito, gumanti ng airstrike ang Iran sa Israel.
Samantala, kinondena naman ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang ginawang pambobomba ng Amerika sa Iran.
Ayon sa kanila, ngayong sangkot na ang Amerika sa sigalot, asahang lalo pang tataas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“In a bizarre and ironic manner, Trump claimed in his message after the bombing that ‘now is the time for peace.’ The result of the US bombing will be the exact opposite,” anang Bayan.