Pinuna ni Vice President Sara Duterte ang isa raw advertisement na nagsasabing tourist spot ang San Juanico Bridge sa kabila raw ng sukat lang nito.
Sa kaniyang talumpati sa Free Duterte Rally sa Australia nitong Linggo, Hunyo 22, 2025, iginiit niyang naiirita raw siya sa naturang ads.
“Sobrang nairita ako, hindi sa New Star Hotel, pero doon sa isang portion ng ads. Kasi nakalagay doon sa Tacloban daw…Tourist spot daw ang San Juanico Bridge,” ani VP Sara.
Pagpupuna pa niya, tila wala umano itong panapat sa mismong tourist spot na tulay sa China na mas mahaba kaysa sa San Juanico Bridge.
“Alam n’yo ba gaano kahaba San Juanico Bridge? 2.6km. Sobrang irritated ako. Paano naging tourist spot ang 2.6km na bridge? Ang bridge sa China papunta sa Shenzhen, papunta sa Macau , papunta sa HongKong, gaano kahaba? 264km. Yun ang tourist spot. Yun ang modernization. Yun ang infrastructure, hindi ang 2.6km na ngayon nagkakagulo pa [kung] paano ayusin,” saad ni VP Sara.
Matatandaang nakatakdang ikumpuni ang San Juanico Bridge na siyang pinakamahabang tuay sa Pilipinas na nagdudugtong sa Leyte at at Samar na ipinatayo pa sa administrasyon noon ng ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr.