Natagpuan na subalit wala nang buhay ang nawawalang 25-anyos na law student na nag-aaral sa isang prestihiyosong pamantasan sa Bonifacio Global City, na napaulat na biglang nawala noong Linggo, Hunyo 8.
Ipinanawagan ng Taguig City Police Station ang pagkawala ni Anthony Granada na huling namataan sa kaniyang condominium unit sa Taguig City.
"He was last seen around 6:30 PM at Ridgewood Premier Condominium along C-5 Road Northbound in Taguig City," mababasa sa post.
Dagdag pa nila, "Anthony is known to frequent the Taguig area due to his studies," mababasa sa post ng pulisya.
KAUGNAY NA BALITA: 25-anyos na lalaking law student, nawawala pa rin!
Samantala, sa update naman ng kuya ni Anthony na si Ricky Granada, Sabado, Hunyo 21, ay sinabi niyang natagpuan na nila si Anthony subalit patay na ito.
Hindi nagbigay ng anumang detalye si Ricky hinggil sa pagkamatay ni Anthony, subalit humiling siya ng privacy sa mga tao upang makapagluksa sila sa pagkamatay ng bunsong kapatid.
Batay naman sa mga ulat, natagpuan ang bangkay ng nakababatang Granada sa isang bakanteng lote sa Naic, Cavite.
Sa ebidensyang hawak ng pulisya, sa gabi ng pagkawala ni Granada ay makikita sa CCTV footage na sumakay siya sa isang kotse na-book niya sa isang ride-hailing service, at nagpababa sa Naic Town Plaza.
Bandang Hunyo 17 naman ay nahagip sa CCTV na naglalakad siyang mag-isa sa Lopez Jaena Bridge bandang 9:20 ng gabi.
Nakarating naman sa kaalaman ng pulisya na may nakitang bangkay sa isang bakanteng lote sa Barangay Sapa, na nasa "advanced state of decomposition" na.
Kinumpirma ng mga kaanak ni Granada na siya nga ang nabanggit na bangkay. Inaalam pa sa imbestigasyon kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, bagama't sa inisyal na findings ay wala umanong foul play na naganap.
Ito ay isang developing story.