May nilinaw si dating Presidential Spokesperson Harry Roque patungkol sa isa sa mga naging pahayag niya sa pagkakadetine ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) matapos ang pag-aresto sa kaniya.
Sa episode ng kaniyang Facebook live na “The Spox Hour,” iginiit niyang hindi raw akma na tinawag niyang “kidnapping” ang naging pag-aresto kay dating Pangulo.
“Ang gamit ko pong ‘kidnapping,’ medyo hindi tama ‘yan. Ang tama, ang dapat na term diyan is ‘unlawful detention,’” ani Roque.
Paglilinaw po niya, “Ang kidnapping po na taong gobyerno ang gumawa, ‘yan po ang krimen sa Revised Penal Code—unlawful detention. ‘Yan po ang pagkakait ng kalayaan ng isang mamamayan o kahit sinong tao sa teritoryo ng Pilipinas na walang legal na dahilan.”
Madalian daw isinuko ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) ang dating Pangulo kaysa antayin ang request for cooperation.
“Hindi na inantay ng Marcos administration ang request for cooperation… boluntaryo na nilang isinakay si Tatay Digong sa eroplano at dinala sa The Hague,” aniya.
Matatandaang kabilang si Roque sa mga nagsasabing pagkidnap daw ang ginawa sa dating Pangulo at hindi pag-aresto, magmula nang siya ay arestuhin noong Marso 11 sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD