Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa raw silang natatanggap na ulat kung may Pilipinong nadamay sa pag-atake ng Estados Unidos sa ilang Iranian nuclear sites nitong Linggo, Hunyo 22, 2025.
“Wala po akong information kung may Filipinos doon. But we already forewarned our kababayan to stay away from Iranian facilities just to be sure,” ani DFA Assistant Secretary Robert Ferrer of the Office of Migrant Affairs sa panayam sa kaniya sa DZBB.
Ayon sa mga ulat, nasa 1,180 ang bilang ng mga Pilipinong nasa Iran at tanging 9 lamang daw sa kanila ang nagpahayag ng interes sa repatriation program ng pamahalaan. Paliwanag ni Ferrer, “Because they are at home in Iran and Israel. In Iran, they are married to Iranian men, many of them. And many of them have established roots in Iran.”
Paglilinaw pa ni Ferrer, maraming Pilipino pa rin daw ang pinipiling manatili sa Israel dahil sa kanilang kikitain sa nasabing bansa.
“First, they want to earn. So, in Israel, for example, the minimum salary there is $1,600 a month. They don't want to give that up,” anang DFA Undersecretary.
Saad pa ni Ferrer hindi raw nila agad mahikayat ang mga Pinoy na makauwi bunsod ng nasabing buwanang sahod na kanilang ipinagsasapalaran.
“So it's not that easy. Ito po yung tinatawag nating diaspora natin. Yung diaspora natin, hindi sila madaling hikayatin,” aniya.
Nananatiling nasa alert level ang Iran at Israel na hudyat ng malawakang voluntary repatriation na itinaas ng DFA kamakailan bunsod ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
BASAHIN: ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?