Muling isiniwalat ng nagpakilalang testigo ang umano’y paraan upang madispatsa ang mga bangkay ng nawawalang mga sabungerong inilibing daw sa Taal Lake.
Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Sabado, Hunyo 21, 2025, itinali raw sa sandbag ang mga bangkay ng nawawalang sabungero upang tuluyang lumubog ang mga ito sa palaisdaang bahagi ng Taal Lake.
Giit pa ng testigong kinilalang si alyas Totoy, isa siya sa sa mga nagbibigay ng pera at humahanap sa mga maaaring dumukot at tumumba sa mga biktima. Paglilinaw pa niya, isang malaking grupo raw ang tumatrabaho sa mga nawalang sabungero na pawang mula sa hanay ng kapulisan.
Matatandaang kamakailan lang nang gumawa ng ingay ang rebelasyon ni Totoy na sa Taal Lake inilibing ang lahat ng 34 napaulat na nawawalang sabungero, kabilang na raw ang ilang drug lords.
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Ayon pa kay alyas Totoy, kabilang daw sa mga pinatay na nawawalang sabungero ang dalawang menor de edad na nagtatrabaho lamang bilang mga tagapagpatuka ng manok na panabong matapos silang sumama sa kanilang amo sa Laguna noong 2021.
KAUGNAY NA BALITA: 2 menor de edad na tagapagpatuka ng manok, kasama sa mga pinatay na nawawalang sabungero
Samantala, inihayag na rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinag-aaralan na nila ang mga isiniwalat ni alyas Totoy at ikinokonsiderang makipagtulungan sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy upang marekober ang umano’y bangkay ng mga biktima sa Taal Lake.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ makikipagtulungan sa PCG, Navy para sa mga nawawalang sabungerong inilibing sa Taal Lake