Kasunod ng 50% discount ng mga estudyante sa MRT at LRT, inanunsyo rin ng Philippine Ports Authority (PPA) ang alok nilang pamasahe sa lahat ng mga pantalang nasa ilalim ng kanilang pamamahala.
KAUGNAY NA BALITA: Discount ng mga estudyante sa mga tren, 50% na!
Sa Facebook post ng PPA noong Biyernes, Hunyo 20, 2025, ibinahagi nila kung paano raw makakapag-avail ng free tickets ang mga estudyante.
"Libre ang terminal fee sa mga PPA-Owned Passenger Terminal Building para sa mga estudyante. Kung ikaw ay papasok na muli sa eskwela at babyahe sa pantalan, siguraduhing alam mo ang mga dapat gawin para ma-avail ang libreng terminal fee," saad ng PPA.
Ayon sa PPA, kailangang kumuha ng exemption form payment ang mga estudyante sa counter ng Passenger Terminal Building sg mga pantalan ng PPA at saka nila ipi-presenta ang valid na school identification card (ID).
Pagkatapos nito, saka na tatatakan ng collecting officer ang kanilang ticket na "PTF Exempt."
Samantala, noong Biyernes, Hunyo 20 rin nang magsimulang maging epektibo ang mas malaking diskuwento sa mga pamasahe ng estudyante sa LRT-1,2 at MRT-3 mula 20% hanggang 50%.
Habang nilinaw naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa pinal at hindi rin umano nila minamadali ang pagpapasiya kung tuluyang maikakasa ang taas-pasahe sa lahat ng public utility vehicles (PUVs).
KAUGNAY NA BALITA: LTFRB, ‘di nagmamadali sa usapin ng fare hike sa PUVs