Naghayag ng pagtutol ang grupong MANIBELA kaugnay sa pisong dagdag pamasahe na planong ipatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa pagtaas ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
KAUGNAY NA BALITA: Halos ₱5 dagdag-singil sa petrolyo, sisipa sa susunod na linggo
Sa latest episode ng “Afternoon Delight” noong Biyernes, Hunyo 20, sinabi ng transport leader at chairman ng MANIBELA na si Mar Valbuena ang dahilan ng kanilang pagkontra sa nasabing fare hike.
“Kaya po kami tumututol nitong nakaraang araw dahil nga po ‘yong pronouncement ng ating LTFRB chairman na ang sabi niya, parang dito lamang sa mga traditional jeepney. So, magiging magkaparehas na kami ng fare nitong modern at traditional,” saad ni Valbuena.
Dagdag pa niya, “Wala nang pagpipilian na mas mura ‘yong ating mga kababayan. Kaya ho ‘di ba parang tinatanggal na talaga kami sa kalsada pagka ganito?”
Ayon sa transport leader, posible umanong mawalan sila ng mga mananakay sakaling ipatupad ang fare hike dahil wala nang ipinagkaiba ang pamasahe sa modernong jeep sa jeep na tradisyunal, na idinisenyo pa naman bilang sasakyan talaga ng masa.
Ngunit batay sa public advisory ng LTFRB noon ding Huwebes, Hunyo 20, wala pa umanong fare hike na naikakasa dahil hinihintay pa umano ng ahensya ang pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa posibleng epekto nito sa ekonomiya.
MAKI-BALITA: LTFRB, ‘di nagmamadali sa usapin ng fare hike sa PUVs