Usap-usapan sa social media ang umano’y huling sakripisyo ng isang 54-anyos na lolo para sa kaniyang dalawang taong gulang na apo, matapos silang madamay sa aksidente sa North Luzon Expressway (NLEX) noong Miyerkules, Hunyo 18, 2025.
Ayon sa mga ulat, papunta raw sana ng Baguio para sa bakasyon ang maglolo kasama ang kanila pang mga kaanak, nang mabagsakan ng bakal ang kanilang sasakyan mula sa Marilao Interchange bridge matapos sumabit ang isang container truck sa nasabing tulay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi kinaya ng sasakyan ng mga biktima ang impact nang pagbagsak ng nasabing bakal mula sa tulay hanggang sa tumaob ito.
Lumalabas sa pagsisiyasat na niyakap daw ng lolo ang kaniyang musmos na apo—dahilan upang makaligtas ito at hindi magtamo ng malubhang sugat. Apat mula sa anim na sakay ng kanilang kotse ang nagpapagaling pa sa ospital.
Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang driver ng truck na sumabit sa nasabing tulay. Depensa niya, posible umanong may umangat sa bahagi ng container na siyang naging dahilan nang pagsabit sa tulay.
Matatandaang matagal nang ipinagbabawal ng NLEX ang pagdaan ng malalaking truck sa naturang bahagi ng NLEX matapos maiulat noong Marso ang isa pa ring truck na sumabit din sa isa pang interchange bridge sa lugar.