Umani ng reaksiyon at komento ang viral video ng isang Tuguegarao councilor na nanguna sa opening prayer ng session nila matapos mapansin ng mga netizen ang binasa niyang dasal sa kaniyang cellphone.
Ayon kasi sa mga netizen, tila gawa raw mula sa isang Artificial Intelligence (AI) chatbot ang binasang panalangin ni Tuguegarao City Councilor Grace Arago, sa kanilang 9th City Council Regular Session noong Martes, Hunyo 17.
Maririnig sa kaniyang binasang panalangin ang "May Your Divine light shine upon us; guiding us in our endeavors and filling our hearts with hope and inspiration. "
Ngunit ang sumunod na pangungusap ang tila nagpabagabag sa mga nakaririnig sa kaniya maging sa mga netizen.
"Feel free to modify this prayer or tailor it to your specific needs and benefits…”
Tinapos naman ng konsehala ang kaniyang panalangin subalit kapansin-pansin ang ilang tao sa loob ng sesyon na tila nagbulungan.
Sey ng mga netizen, sana raw ay nagdasal na lamang siya nang taos sa puso, o kung gumamit man ng AI tool, sana raw ay inedit muna bago binasa.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Arago tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.