Nagtaka ang mga tao kamakailan sa pagsulpot ng mala-higanteng paruparo o tinatawag na "moths" sa Ingles, sa iba't ibang lugar sa Metro Manila.
Ang iba ay naaliw, ang iba ay natakot, subalit may ilan ding ipinagkibit-balikat lamang ito, lalo na sa mga naniniwalang lahat ng bagay sa mundo at maging sa universe, ay maipaliliwanag sa pamamagitan ng agham o siyensya.
Paliwanag ng research associate na si Edriel Lee, sa panayam sa kaniya sa "State of the Nation" ng GMA Network, ito ay tinatawag na tropical swallowtail moths, o sa mas tipikal na tawag ay "mariposa" o malalaking paruparo. Karaniwan daw silang matatagpuan sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang na ang Pilipinas.
Ganito rin ang nakasaad sa kaniyang viral Facebook post.
"Now, as you probably know, moths are generally attracted to light. In search of new hosts, they become tempted to detour into the glistening, shimmering urban metropolis. Unfortunately, their host plants from the genus Endospermum—at least in Singapore—can only be found in forests and are absent in cities. As a result, the migrating moths are not able to reproduce," aniya.
Aniya, posibleng ang dahilan kung bakit naglipana sa urban areas ang mga moth na ito ay dahil sa mga liwanag, na nagmumula sa iba't ibang establishments sa siyudad.
Isa pang bagay, nagsilabasan ang mga moth matapos magsimula ang pag-ulan, indikasyon ng pagpasok ng rainy season.
PAMAHIING PILIPINO
Kung may paliwanag sa agham, sa Pilipinas, may pamahiin patungkol sa paglitaw ng mga mariposa o higanteng paruparo.
Para sa marami, ang mga paruparong bigla na lamang dumadapo sa mga bahay ay mga kaluluwa ng mga kaanak na namayapa na, at dumadalaw lamang kaya hindi raw dapat sila itinataboy.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kaninong lolo ‘to?’ Dumapong paruparo sa isang netizen, kinaaliwan
Sa iba naman, hudyat ito para sa kanila na may namayapang malayong kamag-anak, at sila ay dumadalaw sa anyong paruparo.
Para naman sa iba, ang pagsulpot ng malalaking paruparo, lalo na kung kulay-itim, ay senyales o signos ng "malas" o hindi magandang mangyayari.
Sa kabilang banda, totoo man o hindi ang mga pamahiin na ito, kung sakaling makakita ng mga malalaking paruparo, puwede silang itaboy sa maayos na paraan subalit huwag silang saktan o patayin.