Iginiit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na malaki raw ang kinalaman ng usapin ng soberanya ng Pilipinas sa pagpayat umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Sa isang video noong Biyernes, Hunyo 20, 2025 na mapapanood sa kaniyang Facebook account, binalikan niya ang pagkakadetine ng dating Pangulo papuntang ICC, na paglabag umano sa soberanya ng bansa at dinamdam ni Duterte.
“'Yan po talaga ang masakit kay Tatay Digong, hindi na bale siguro yung kaniyang nararanas na pagkakakulong eh. Kaya n'ya 'yon. Ang hindi n'ya matanggap, yung nabalewala yung soberanya at independiente ng Pilipinas. Yun ang kumakain sa kaniyng damdamin. Yun ang dahilan kung bakit pumapayat siya.” saad ni Roque.
Dagdag pa ni Roque, labis umano ang pagmamahal at pagpapahalaga ng dating Pangulo sa kalayaan ng Pilipinas.
“Dahil mali, dahil mahal niya ang Pilipinas. Dahil nababalewala yung mga buhay na binuwis ng ating mga ninuno, para tayo'y maging malaya at independienteng bansa,” aniya.
Noong Huwebes, Hunyo 19 ang ika-100 araw ni Duterte sa kustodiya ng ICC matapos siyang maaresto noong Marso 11 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: Ika-100 days ni FPRRD sa kustodiya ng ICC, ginunita ng kaniyang tagasuporta
Sa Setyembre 23 nakatakdang humarap si dating Pangulong Duterte para sa confirmation of charges. Bago nito, nauna nang naghain ng interim release ang kaniyang kampo para sa pansamantalang paglaya.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, humiling na ng interim release; may bet ng puntahan na bansa