Kinumpirma ng nagpakilalang testigo na patay na rin umano ang dalawang menor de edad na nagtatrabaho bilang tagapagpatuka ng manok na panabong—katulad ng sinapit ng mga nawawalang sabungero.
Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Biyernes, Hunyo 20, 2025, isang 14-anyos at 17 taong gulang na mga binatilyong biktima mula Quezon ang sumama sa kanilang amo sa derby sa Laguna, kabilang ang tatlo pa nilang kasamahan na pawang hindi na rin daw nakabalik hanggang ngayon.
Taong 2021 pa raw nang huling makita ang dalawang menor de edad. Ayon sa kanilang pamilya, may nakapagtimbre na lamang daw sa kanila na nasa Taguig ang sasakyang naghatid sa mga biktima sa Laguna, ngunit wala na raw silang nakita pang bakas ng mga ito.
Batay sa nasabing ulat, nakapanayam ng naturang testigong nagpakilalang si alyas “Totoy” na wala raw nakaligtas sa lahat ng mga itinumba ng kaniyang mga kasamahan.
Matatandaang kamakailan lang nang gumawa ng ingay ang rebelasyon ni Totoy na sa Taal Lake inilibing ang lahat ng 34 napaulat na nawawalang sabungero, kabilang na raw ang ilang drug lords.
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Samantala, inihayag na rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinag-aaralan na nila ang mga isiniwalat ni alyas Totoy at ikinokonsiderang makipagtulungan sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy upang marekober ang umano’y bangkay ng mga biktima sa Taal Lake.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ makikipagtulungan sa PCG, Navy para sa mga nawawalang sabungerong inilibing sa Taal Lake