Tila walang nakikitang problema si Senator-elect Erwin Tulfo sa mga pulis na bahagi ng LGBTQIA+ community.
Sa ginanap na monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Biyernes, Hunyo 20, sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, sinabi ni Tulfo na mas maganda umano kung magpakatotoo sila sa kanilang mga sarili.
“Hayaan na ho natin. Mas maganda nga ho nag-out na ho sila. They’re trying to be honest. Wala rin ho tayong batas na bawal hong tumanggap ng mga members ng LGBTQ. Kaya ho wala ho akong gagawin diyan,” saad ni Tulfo.
“Alam naman nila ‘yong capacity nila, ‘yong ika nga ‘yong qualification nila,” wika niya. “Kung pumasa sila sa training, nasusunod nila ‘yong sinasabi ng ika nga mga regulations, then why not?
Dagdag pa niya, “Bakit naman natin sisibakin ‘yong mga ‘yon kung mga miyembro sila ng LGBTQ? Basta ho nagagawa nila ‘yong trabaho nila.”
Matatandaang kamakailan lang ay inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas Torre III na aalisin sa serbisyo ang mga matatabang pulis gayundin ang mga hindi marurunong gumamit ng baril.
MAKI-BALITA: Mga pulis na ‘di marunong gumamit ng baril, tatamaan kay Torre!
KAUGNAY NA BALITA: Bagong utos ni Torre sa kapulisan: Bawal ang bochog, dapat sharp shooter!