Nananawagan si incoming Senator Erwin Tulfo sa pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Bureau of Immigration (BI) na i-hold muna ang deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East, kasunod na rin ng nagaganap na giyera sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa kaniyang pagdalo sa MACHRA's Balitaan sa Harbor View ng Manila City Hall Reporter's Association nitong Biyernes, Hunyo 20, sinabi ni Tulfo na napapanahon nang itigil muna ang pagpapadala ng mga OFWs sa Gitnang Silangan.
Ito'y upang maiwasan aniyang maipit sa giyera at mapahamak ang mga kababayan nating nagnanais lamang na makapag-hanapbuhay kaya't nagtungo sa naturang lugar.
Ayon kay Tulfo, sakaling magkaroon ng cease fire o di kaya ay natapos ang giyera at saka na lang muling mag-deploy ng OFWs sa mga bansa sa Middle East.
"Pero ngayon, itigil na muna dahil baka madisgrasya lang sila," aniya pa.
Matatandaang kasalukuyang lumalala ang air strikes sa pagitan ng Iran at Israel.
Sanhi nito, marami nang mga OFWs doon na naiipit sa giyera ang nagnanais ng umuwi sa bansa.
BASAHIN: ‘Saklolo!’ marami pang Pilipino mula Israel, nangalampag nang makauwi sa Pilipinas
Una na ring sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nasa 150 OFWs na nasa Israel ang nakatakda nang i-repatriate ng bansa sa lalong madaling panahon dahil sa giyera.