Pabor si dating presidential spokesperson Salvador Panelo sa pagkaka-disqualify ng Duterte Youth Party-list bilang isang lehitimong party-list.
Sa isang radio interview noong Huwebes, Hunyo 19, 2025, tahasan niyang iginiit na wala raw siyang bilib sa nasabing party-list.
“Alam mo yang Duterte Youth na ‘yan, wala akong kabilib-bilib diyan,” saad ni Panelo.
Dagdag pa niya, ginamit lamang daw ng Duterte Youth Party-list ang pangalang “Duterte.”
“Ginamit lang talaga nila yung pangalang Duterte, lalo yung mga nasa likod niyan. Puro mga di magaganda ang record niyan eh.” aniya.
Si Ronald Cardema ang Chairman ng Duterte Youth Party-list na naging kontrobersyal noong 2019 matapos siyang hindi payagan ng Comelec na makaupo bilang kinatawan ng nasabing party-list sa Kamara bunsod ng pagiging overage umano. Ayon sa batas, nasa edad 25 taong gulang hanggang 30-anyos ang ikinokonsidera nilang youth—34 na taong gulang na si Cardema nang makapasok noon sa Kongreso ang kanilang partido.
Banat pa ni Panelo, marami na raw nilabag ang Duterte Youth mula pa umpisa nang magbalak itong pumasok sa Kongreso.
“Tsaka from the very beginning, talagang marami na silang paglabag—biro mo, nominee nila hindi naman pala youth. Kaya pabor ako na tanggalin na ‘yan,” ani Panelo.
Matatandaanong noong Hunyo 18, nang ibaba ng Comelec ang kanilang desisyon na nagpapawalang-bisa sa kanilang rehistrasyon bilang party-list matapos lumutang ang mga petitsyon laban sa naturang party-list.
KAUGNAY NA BALITA: Duterte Youth, kanselado na bilang party-list