Nasabat ng Philippine Navy ang tinatayang 1.5 tonelada ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng ₱10 billion sa isang fishing vessel sa karagatan ng Zambales nitong Biyernes, Hunyo 20, 2025.
Ito na raw ang isa sa pinakamalaking drug operation ng Philippine Navy kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“The Philippine Navy through the Northern Luzon Naval Command apprehended 1.5 Tons of Metamfetamine hydrochloride or Shabu with an estimated street value of 10 Billion Pesos off the coast of Zambales at around 1:30 am,” anang Ph Navy.
Dagdag pa nila, “This is one of the largest illegal drug apprehensions in the history of the Philippine Navy in support of the National Government’s campaign against prohibited substances.”
Napag-alamang ilang dayuhan ang sakay ng bangka nang matimbrehan ng mga awtoridad ang ilegal na droga na natagpuan sa nasabing fishing vessel.
Samantala, dadalhin na sa naval operating base sa Subic, Zambales ang mga nasabat na droga para para sa documentation at turnover ng mga ito.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang napapaulat kung may naaresto sa mga sakay ng fishing vessel.