Nagsagawa ng candle lighting ang ilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City bilang paggunita sa kaniyang ika-100 araw sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands noong Huwebes, Hunyo 19, 2025.
Nag-umpisa ang programa sa Rizal Park, Davao City bandang 5:30 ng hapon noong Huwebes bitbit pa rin ang panawagang “Bring him home.”
Kaugnay nito, nauna nang ipinanawagan ng anak ni dating Pangulong Duterte na si Davao 1st district Paolo Duterte ang nasabing programa kasabay ng kaniyang Facebook post noon ding Huwebes kung saan iginiit niyang hindi raw kriminal ang kaniyang ama.
“He is not a criminal. He is a man who gave his life to serve this nation, who walked the most difficult paths so that we may live in peace, free from fear, far from his people,” anang mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: ‘100 araw sa ICC' Rep. Pulong Duterte, nanindigang hindi kriminal si FPRRD
Nagpaabot din ng mensahe si Sen. Bong Go sa kanilang mga tagasuporta na umaasang makakabalik pa raw ng bansa ang dating Pangulo.
“Patuloy tayong nananalangin at umaasa na makauwi na sya sa ating bansa para muling makapiling ang mga Pilipino na minamahal at pinagsisilbihan nya nang lubusan,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Sa ika-100 araw: Bong Go, 'di titigil sa panawagang ibalik si FPRRD sa Pinas
Matatandaang noong Marso 12 pa nananatili sa the detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands si Duterte matapos siyang maaresto noong Marso 11 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa Setyembre 23 nakatakdang humarap si dating Pangulong Duterte para sa confirmation of charges. Bago nito, nauna nang naghain ng interim release ang kanyang kampo para sa pansamantalang paglaya.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, humiling na ng interim release; may bet ng puntahan na bansa