Naghayag ng pananaw si Senator-elect Erwin Tulfo kaugnay sa pamamahagi ng pamahalaan sa mga mahihirap na Pilipino ng ayuda.
Sa ginanap kasing monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Biyernes, Hunyo 20, sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, hiningan ng komento si Tulfo tungkol sa babaeng lumabas sa imburnal sa Makati noong Mayo na tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa kaniya, “Kung ako ang tatanungin mo, dapat in-interview. Hindi na trabaho ni Sec. [Rex Gatchalian] mag-interview do’n sa tao. [...] Sana nag-imbestiga. Kung ako ho ‘yon, papaimbestigahan ko ho ‘yon.”
“So, ang may mali rin do’n…ay ‘yong mga nasa baba; nasa paligid ni Secretary. Kasi it's not job of the secretary to investigate,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng bagong halal na senador, “Ganito lang ho yan, e. Hangga't mayr'on pong mga Pilipino na hindi po kayang tumayo sa sarili po nilang paa, kailangan po ng ayuda. [..] ‘Pag inalis mo po ‘yan, saan pa po pupunta ‘yong mga indigent para po pampalibing, pampaospital?”
Matatandaang maraming naghimutok matapos matuklasan ng publiko na nagbibisyo umano si Rose, na kinikilala ngayon bilang si “Imburnal Girl.”
MAKI-BALITA; Imburnal Girl, nagbibisyo: 'Hindi naman araw-araw!'
Depensa naman ng DSWD, alam umano ng ahensya ang pagbibisyo ni Rose at hindi umano nila dinidiskrimina ang mga indibidwal at pamilyang naninirahan sa kalsada na kanilang tinutulungan.
MAKI-BALITA: Para sa ‘better version?’ Imburnal girl, isasailalim sa rehab
Samantala, hindi naman itinanggi ni Tulfo na nagagamit umano ang ayuda lalo na noong nakaraang eleksyon. Ngunit napansin din daw niyang matalino na raw ngayon ang mga tao.
“Marami hong natalo. Nagbigay ho ng ayuda pero natalo dahil wala po silang konkretong proyekto para po do’n sa distrito niya, para po do’n sa bayan, sa probinsya niya,” anang senador.