Itinaas ng Department of Transportation (DOTr) sa 50% ang discount ng mga estudyante sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2.
Sinimulan na nitong Biyernes, Hunyo 20 ang naturang discount para sa mga estudyante, ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon.
"Ang directive ng Pangulo, magdagdag tayo mg discount sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3. 'Yung dating 20% discount lang sa mga estudyante, inutos ng Pangulo na gawin nating 50% ang discount ng mga estudyante," ani Dizon asabay ng paglunsad ng programa sa LRT-2 Antipolo Station.
"Malaking tulong ito sa mga pamilya lalo na sa mga magulang na hirap magpaaral sa kanilang mga anak. 'Yung matitipid nila, pwede nilang ilaan sa ibang gastusin gaya ng mga project, dagdag nila sa baon, o sa iba pang mga gastusin sa school," dagdag pa niya.
Narito ang hakbang para sa ma-avail ang 50% discount:
- Kailangan lamang bumili ng estudyante ng single journey ticket sa ticket counters
- Kailangan ipakita ng estudyante ang kanilang school ID ngayong school year 2025-2026.
- Maaari ring i-avail ng postgraduate students ang naturang discount.
Paalala, ang discount ay valid lamang sa Single Journey Ticket.
"Ang 50% discount sa mga tren na epektibo araw-araw pati weekend at holiday ay tatagal hanggang 2028, at bukas para sa lahat ng estudyante, kabilang ang mga kumukuha ng post graduate studies," anang DOTr.
Matatandaang 20% discount lamang ang discount noon ng mga estudyante.