Sinagot ni Senador Imee Marcos ang pangunguwestiyon sa kaniya ni House of Representatives Spokesperson Atty. Princess Abante kaugnay sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.
Matatandaang sa press briefing ni Abante nitong Miyerkules, Hunyo 18, 2025, kinuwestiyon niya ang senadora matapos ang paninisi umano niya sa barat na pondong inilalaan daw ng Kamara para sa maintenance ng nasabing tulay.
“Siguro si Senator Imee, since she is very much concerned, kailangan din nating tanungin ano naging ambag niya bilang senador na kasama naman sa tungkulin niya ang pag-ayos ng budget ng bansa doon sa pangangalaga ng San Juanico Bridge,” saad ni Abante.
BASAHIN: House Spox Abante, binakbakan si Sen. Imee
Samantala, sinagot ni Marcos si Abante sa isang pahayag nitong Huwebes, Hunyo 19.
"Matapos ang ilang pag-uusisa sa kondisyon ng San Juanico Bridge, deadma ang DPWH at si Speaker," panimula ng senadora.
Ayon pa kay Marcos, nasa P451.4 milyon umano ang alokasyon para sa rehabilitasyon ng tulay mula taong 2018 hanggang 2025.
"Ako pa mismo ang nagtanong kung saan linaan ang bilyong pondong nakalagay sa GAA - P4.7 bilyon para sa iba't ibang proyekto sa Maharlika Highway.
"Bilyon ang linustay na pera para sa mga daanan na masayang pinagkakitaan ng kung sinu-sino pero ang mahalagang tulay ni hindi iniinspeksyon at puro pintura lang ang ginawa!" giit ng senadora.
Kaya aniya bakit daw siya hinahanapan ng aksyon bilang senador, giit niya sana raw siya na lang ang nagpresidente.
"Bakit ako na senador ang hinahanapan mo ng aksyon, yang amo mo diyan nakatira, bakit di mo tanungin? Lahat kayo sa akin nakatingin--Sana ako na lang nagpresidente," saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, "Ang San Juanico Bridge ay binuo sa administrasyon ng aking ama na simbolismo ng katatagan at pagtutulay ng kalinga ng pamahalaan papunta sa mga mamamayan. Ngayon, pinagdududahan ang tibay at serbisyo nito, pero ang hinahanapan ng #IMEEsolusyon ay ako pa rin."