Naglabas ng opisyal na pahayag si Sen. Bong Go hinggil sa ika-100 araw ng pagkakadakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) at ilipad patungong The Hague, Netherlands.
"Ginugunita natin ngayon ang ika-isang daang araw mula nang dalhin nila si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague --- 100 days ago, kinuha nila sa piling natin ang minsa’y naging ama ng ating bansa, 100 days na tayong nangungulila sa ating Tatay Digong," mababasa sa Facebook post ng senador, Huwebes, Hunyo 19.
Aniya, "Patuloy tayong nananalangin at umaasa na makauwi na sya sa ating bansa para muling makapiling ang mga Pilipino na minamahal at pinagsisilbihan nya nang lubusan."
"Hindi tayo titigil sa panawagan natin: Bring him home! Sabi nga ni Tatay Digong, he is a Filipino. And he loves the Philippines because it is the land of his birth, it is the home of his people."
Nanindigan ang senador na ginawa lamang daw ng dating pangulo ang trabaho niya para sa ikabubuti ng bansa.
"Gaya ng sinabi ko noon, ginawa ni dating Pangulong Duterte ang trabaho niya para sa kabutihan ng bansa at ng ating mga anak. Ang mga kababayan lamang natin ang dapat humusga kung naging maayos at epektibo ba ang kampanya laban sa iligal na droga. Sila ang mas nakakaalam kung ligtas sila noon na nakakauwi sa kanilang pamilya na hindi nasasaktan at kung hindi nababastos ang kanilang mga anak ng mga adik at ibang kriminal, lalo na sa gabi."
"At sa tingin ko, sa resulta pa lang ng nakaraang eleksyon, hindi na natin maitatanggi — nag-desisyon na ang taumbayan.
Matanda na si Tatay Digong, 80 years old na sya. Kultura natin na inaalagaan ang mga matatanda, ginagalang at hindi pinapabayaan. Mas nais na lang nyang manilbihan sa Davao City."
"Kaya nananawagan po ako sa buong sambayanang Pilipino. Ipagdasal po natin ang kalusugan, kaligtasan, at kalayaan ni Tatay Digong. Huwag po tayong tumigil hangga't hindi siya nakakauwi," aniya pa.