Hinirang ang fitness coach at tinaguriang "motivational speaker" na si Rendon Labador para magsagawa ng fitness program para sa mga pulis na may katabaan at may malalaking tiyan.
Ayon kay Rendon, handa na siyang kumasa sa "93-Day Weight Loss and Fitness Challenge" para sa hanay ng kapulisan ng Philippine National Police (PNP), kaugnay pa rin sa panawagan ni PNP Chief Nicolas Torre III na magpapayat sila, at kung hindi, ay posible silang masibak sa tungkulin o puwesto.
KAUGNAY NA BALITA: Tabachoy na pulis, sisibakin ni Torre sa serbisyo 'pag di pumayat
Bukod sa exercise at fitness, babantayan din ni Labador ang nutrition ng mga pulis na sasailalim sa kaniyang challenge upang makasabay sa tamang work-out na kaniyang ididisenyo para sa kanila.
Ngayong araw ng Huwebes, Hunyo 19, ay nagsadya na sa Camp Crame sa Quezon City si Labador kaugnay nito.
Sa panayam naman ng media kay Labador, sinabi niyang nilapitan siya ng Police Community Affairs and Development Group para sa nabanggit na fitness goal para sa kapulisan.
Aniya pa, gagawin daw niya ito nang libre para sa kanila.