Hindi ulit dadalo si Vice President Sara Duterte sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco nitong Huwebes, Hunyo 19, nakatanggap sila ng liham mula sa tanggapan ni Duterte kung saan nakalahad na hindi dadalo ang bise presidente sa ikaapat na SONA ng pangulo.
"We received this note that she won't be attending this SONA," saad ni Velasco sa mga mamamahayag.
Si Duterte pa lamang ang nagsabing hindi dadalo sa SONA, mula sa mahigit 200 imbitasyon na ipinadala nila sa institutional guests.
Dagdag pa ni Velasco, wala raw inihayag na rason ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Samantala, handa pa rin ang Kamara sakaling magbago ang isip ni Duterte. Bukod sa nireserbang upuan, magtatalaga rin sila ng holding room para sa bise presidente at staff nito, saad ni Velasco.
Matatandaang noong nakaraang taon, sinabi ni Duterte na hindi siya dadalo sa SONA ng pangulo at itinatalaga niya ang sarili niya bilang "designated survivor."
BASAHIN: VP Sara, hindi dadalo sa SONA ni PBBM
Magaganap ang ikaapat na SONA ni Marcos sa darating na Hulyo 28, 2025.