Naghain ng disbarment case ang isang kandidato mula sa Bohol laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia dahil umano sa maanomalya niyang paghawak ng eleksyon noong Mayo 2025.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang petitioner na si Atty. Jordan Pizarras, na tumakbo sa pagka-kongresista bilang 1st district representative ng Bohol.
Batay sa kaniyang petition for certiorari and mandamus with a plea for injunctive relief, inakusahan niya si Garcia at iba pang opisyal ng Comelec ng grave abuse of discretion, illegal election practices at ethical violation.
Samantala, sa panayam ng media kay Garcia, iginiit niyang wala na raw silang sagot na itutugon sa mga kumukwestyon sa kanila kaugnay ng nagdaang eleksyon.
"At this point, we will no longer dignify it with a response. If we answer now, they’ll just throw another issue next time—it will never end," ani Garcia.
Maluwag din daw na tinatanggap ni Garcia ang anumang petitsyong ihahain laban sa kaniya at sa Comelec upang mapatunayan at mabigyang-daan ang tamang diskusyon tungkol sa mga isyu at alegasyong ibinabato sa kanila.