Pabor ang Kabataan Party-list na tuluyang tanggalin ang K to 12 program bunsod umano ng paglala lamang ng sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
Sa panayam ng media kay Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel nitong Huwebes, Hunyo 19, 2025, pinalala lamang daw ng K-12 ang mga isyu sa sektor ng edukasyon.
"Hinabaan yung number of years ng mga estudyante, tapos ngayon ang pinoproblema paano magti-trim ng subjects, paano magti-trim ng class hours. Kaya mas mabuti pa, ibasura na ng susunod na Kongreso ang K-12 program," ani Manuel.
Mungkahi ni Manuel, isaayos na lamang daw ang curriculum na aakma sa mga estudyante upang makahanap ng tamang trabaho.
"Ayusin yung curriculum, tiyakin na aligned yun sa paglikha ng mga trabaho din dito sa atin. Para yung graduates ng basic education ay [mayroon] talagang magandang prospects dito sa ating bansa at hindi mapilitan halimbawa, mangibang bansa dahil pinaasa sila na after K-12 puwede na daw silang magtrabaho," aniya.
Kaugnay nito, matatandaang maging si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ay nagpahayag na rin ng kaniyang saloobin na tuluyang alisin ang K-12 sa pagpasok ng 20th Congress.
"Wala naman naging advantage, hindi rin nakukuha sa trabaho. That's his frustration and that's also my frustration. So we'll see what the Congress will do," anang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, aminadong palpak umano ang K-12: ‘Walang naging advantage!’
Samantala, dagdag pa ni Manuel, "Pinagkakasya sa maliit na oras yung pagtuturo tapos bino-bombard ng maraming mga requirements yung ating mga estudyante. It should be quality over yung quantity ng taon ng pag-aaral na ating mga estudyante."