Handang paimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang naging pahayag ng umano'y testigong nagsabing inilibing sa Taal Lake ang mga bangkay ng mga sabungerong nawawala.
Sa panayam ng media kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Hunyo 19, 2025, sinabi niyang pag-aaralan daw nila ang mga pahayag ni alyas "Totoy" hinggil sa sinapit umano ng 34 na nawawalang sabungero.
"I-vet natin. Pag-aaralan natin yung sinasabi niya kasi may hawak naman kaming ibang testigo," ani Remulla.
Kaugnay naman ng posibilidad na itinapon ang mga bangkay ng mga biktima sa lawa ng Taal, iginiit niyang mangangailangan daw sila ng technical divers upang suyurin ito.
"Marahil kailangan ng technical diver 'yan. 'Pagka ma-determine natin ang veracity [ng] information, we need technical divers to do it kasi malalim din 'yan eh, and it's not easy to go into a lakebed to look for human remains," anang DOJ secretary.
Matatandaang noong Miyerkules, Hunyo 18 nang ipalabas ng 24 Oras ang kanilang ulat patungkol sa isa sa mga security guard umano ng Manila Arena na nasiyang nagsabing patay na ang mga nawawala sabungero na inilibing sa Taal Lake.
“Paano mabubuhay 'yan eh nakabaon na 'yan doon sa Taal Lake. Lahat 'yan. Kung huhukayin yun, mga buto-buto, paano natin makilala ang mga yun?” ani alyas Totoy.
KAUGNAY NA BALITA: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake