December 13, 2025

Home BALITA

34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake

34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake
Photo courtesy: Pexels

Inilahad ng nagpakilalang security guard umano ng Manila Arena ang sinapit ng 34 sabungerong apat na taon nang nawawala.

Ayon sa ulat ng 24 Oras noong Miyerkules, Hunyo 18, 2025, ikinuwento ni alyas “Totoy” kung paano at bakit pinatay ang mga biktima. 

Sa panayam ni Totoy sa ilang kaanak ng mga biktima, sinakal ang mga nawawalang sabungero gamit ang isang wire hanggang sa sila ay mamatay. Bagama't wala na raw siyang maipapakitang bangkay sa mga pamilya ng biktima, giit niya, maituturo niya raw kung saan inilibing ang mga ito.

"Sa ngayon, hindi na natin makikita ang buto, pero alam ko kung sino ang nasa likod nito," ani Totoy.

'Di kami namimilit!' Mga Duterte, nananatili hangga't gusto ng tao—FPRRD

Dagdag pa niya, "Paano mabubuhay 'yan eh nakabaon na 'yan doon sa Taal Lake. Lahat 'yan. Kung huhukayin yun, mga buto-buto, paano natin makilala ang mga yun?"

Binanggit din ni Totoy na kasama sa mga inilibing sa Taal Lake ang ilang umanong mga drug lord. 

"Di lang missing sabungero ang mga yun, may iba pang tinatapon doon, pati drug lord," aniya.

Isiniwalat din niyang halos 100 sabungero na raw ang pinatumba ng hindi niya pinangalanang "boss" na nag-utos sa kaniyang mga kasamahan. Ayon pa sa kaniya, pinapapatay umano ang mga sabungerong hinihinala at nahuhuling nandadaya sa sabungan.

Samantala, ayon sa Department of Justice (DOJ) pinag-aaralan na raw nila kung maaaring maipasok sa witness protection program si Totoy kapag pormal na itong nakapagsumite ng affidavit sa mga awtoridad.