Inihayag ng Department of Migrant Workers (DWM) na pumalo na sa mahigit 100 mga Pinoy ang nagnanais na makabalik ng Pilipinas mula sa Israel, kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng naturang bansa at Iran.
Ayon kay DMW Sec. Hans Leo Cacdac, pumalo na raw sa 109 overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang interes para sa repatriation kahit na bago pa raw magsimula ang palitan ng missile attacks ng dalawang bansa.
Habang nasa 24 na mga Pilipino naman daw ang naunang nangalampag ng tulong para sa agarang paglikas mula sa Israel.
“So far, 24 have manifested their wish to come home after the attack on Iran. This is a live count, it is increasing every day,” ani Cacdac.
Samantala, hiwalay naman sa bilang ng mga OFW ang kaso ng tinatayang 21 na local government officials sa Israel na na-stranded din sa naturang bansa na naghihintay na rin ng tugon ng gobyerno ng Pilipinas upang makauwi.
Ayon sa mga ulat, nagtungo ang nasabing mga opisyal na kinabibilangan din ng 17 mayor para sa isang agricultural training na nakatakda na sanang magtapos sa Hunyo 20, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: 17 mayor at iba pang lokal na opisyal ng Pilipinas, stranded sa giyera sa Israel