Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. hinggil sa naging epekto umano ng K to 12 curriculum sa mga nagdaang taon.
Sa panayam ng media kay PBBM nitong Miyerkules, Hunyo 18, 2025, iginiit niyang tila wala naman umanong naging epekto ito sa mga mag-aaral para makakuha ng mga trabaho.
“It is just expressing the same frustration that I expressed in the first place. It's costing more for the parents, kasi nadagdagan ng 2 years pa. Magmamatrikulasyon pa yan, maraming school supplies, bibili ng libro lahat. Sa 10 years wala naman advantage,” anang Pangulo.
Dagdag pa niya, “Wala naman naging advantage, hindi rin nakukuha sa trabaho. That's his frustration and that's also my frustration. So we'll see what the Congress will do.”
Sa kabila ng mga umuugong na balak na pagtanggal sa K-12, iginiit ng Pangulo na may intindihan na raw si ni Education Secretary Sonny Angara.
“But while the law is still K-12, basta ang sinabi ko kay [Education] Sec. Sonny Angara, pagandahin natin nang husto habang nandyan pa yan. Kasi ano ang madalas nating marinig, mismatch. Yung skills ko hindi employable. Magaling akong mag-ganito, pero hindi naman nila kailangan ng ganyang klase,” saad ni Marcos.
Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa pribadong sektor upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Senior High School graduates.
“We have partnered with the private sector and to ask them, ano ba ang kailangan nyong skills? Ano ba ang kailangan ninyong skills? Ano ba ang kailangan ninyong klaseng trabahador para ma-employ doon sa inyo,” ani PBB,.
Matatandaang noong school year 2012-2013 nang maimplementa ang K-12 sa buong bansa sa ilalim ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.