Pinuksa ng Commission on Elections (Comelec) ang pekeng balitang binura umano nila ang lahat ng Eleksyon 2025 Files.
Sa latest Facebook post ng Comelec nitong Miyerkules, Hunyo 18, sinabi nilang nagkaroon lang daw ng Data Deletion sa National Printing Office (NPO) Data Servers.
“Nagsagawa ang COMELEC ng Data Deletion ng soft copies ng Ballot Faces, Accountable Forms, at Voter Information Sheets (VIS) kaugnay ng 2025 NLE mula sa National Printing Office (NPO) Data Servers nitong June 17, 2025 bilang pagtalima sa Data Privacy Act of 2012 o RA 10173,” saad ng Comelec.
Ayon sa komisyon, nakabatay umano ang Data Deletion sa COMELEC en banc Resolution na aprubado noong May 27.
Dagdag pa nila, “Ang aktibidad na ito ay bahagi ng regular na aktibidad ng COMELEC na isinasagawa pagkatapos ng bawat halalan, at siyang huling hakbang na magmamarka ng pagtatapos ng operations ng Ballot Printing Committee.”
Kaya naman ipinababatid ng Comelec na wala dapat ikabahala ang publiko sa nangyari dahil mayroong arkibo ang Comelec para sa 2025 NLE files.
Ngunit paglilinaw nila na ang pagbubura umano ng files sa NPO Data Servers ay isang paraan lang upang matiyak na walang maiwang files sa database na posibleng magamit sa hindi awtorisadong bagay.