January 05, 2026

Home BALITA

Klase at trabaho sa gobyerno sa Santa Cruz, Laguna sinuspinde dahil sa bomb threat

Klase at trabaho sa gobyerno sa Santa Cruz, Laguna sinuspinde dahil sa bomb threat
photo courtesy: Edgar "KUYA EGAY" San Luis/FB

Sinuspinde ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan, maging ang operasyon ng lokal na pamahalaan ng Santa Cruz sa Laguna dahil sa umano'y bomb threat, ayon kay Mayor Edgar "Egay" San Luis nitong Miyerkules, Hunyo 18.

"Ngayong araw, kumakalat ang isang mensahe sa social media ukol sa umano’y bomb threat sa ating bayan. Bilang tugon at pag-iingat, suspendido po ang pasok sa lahat ng antas na pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang operasyon ng ating Lokal na Pamahalaan ay pansamantalang ihihinto habang sinisiyasat ito ng ating mga awtoridad," saad ni San Luis sa isang Facebook post.

Hinihikayat din ng alkalde ang kaniyang kinasasakupan na huwag agad maniwala sa mga hindi opisyal na impormasyon. 

"Hinihikayat po ang lahat na huwag agad maniwala sa mga hindi opisyal na impormasyon. Sa ganitong sitwasyon, ang maling balita ay maaaring magdulot ng takot, kaguluhan, at panganib," anang alkalde.

Metro

‘Traffic Advisory’ sa Translacion 2026, inilatag na para sa mga deboto at motorista

"Paalala po sa mga nagpapakalat ng ganitong uri ng mensahe: may batas na umiiral laban sa pagpapalaganap ng takot at disimpormasyon. Hindi po ito biro. Sa ganitong panahon, mas kailangan ang malasakit at pag-iingat."