Nilinaw ng House of Representatives na walang kahit na sinong miyembero ng Kamara ang kabilang sa mga umano’y lokal na opisyal ng Pilipinas na naipit sa Israel bunsod ng giyera ng nasabing bansa sa Iran.
Sa press briefing ni House Spokesperson Princess Abante, kinumpirma niyang walang kongresistang mula sa 19th Congress ang nasa Israel ngayon.
“What I can confirm now is walang members ng 19th Congress ang nasa Israel ngayon. I have no personal knowledge if mayroong in transit or changed their itineraries,” ani Abante.
Kaugnay nito, nauna na ring iginiit ni House Secretary General Reginald Velasco noong Martes, Hunyo 17, na nagkasnela raw ng flight ang dalawang kongresista patungo sa nasabing bansa.
“Based on our records, Cong. Lianda Bolilia cancelled her trip to Israel while Cong. Rida Robes changed her mind and no longer applied for a travel clearance for her trip to Israel,” saad ni Velasco.
Matatandaang noong Martes nang kumpirmahin ng Department of Migrant Workers (DMW) na tinatayang nasa 21 lokal na opisyal ng Pilipinas kabilang ang 17 mayor ang na-stranded sa Israel matapos silang magtungo doon para umano sa isang agricultural training.
KAUGNAY NA BALITA:17 mayor at iba pang lokal na opisyal ng Pilipinas, stranded sa giyera sa Israel
Samantala, tiniyak naman ni Abante na tututukan din ng Kamara ang seguridad ng mga Pinoy na nananatiling nasa Israel at karatig bansa nito, kasunod ng mas maraming panawagan para sa agarang repatriation sa kanila.
“Tututukan ng Kamara yung sitwasyon ngayon sa Israel at inaasahan naman natin na ang Department of Foreign Affairs will do its job to protect our citizens. Makikipag-ugnayan din tayo sa ahensya to ensure na lahat ng ating mga kababayan, may posisyon ka man o wala, ay mapoprotektahan sa sitwasyon ngayon sa Israel,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Saklolo!’ marami pang Pilipino mula Israel, nangalampag nang makauwi sa Pilipinas