Maraming netizens ang nagbibigay ng reaksiyon at komento sa looks ngayon ng Kapamilya actor na si Jake Cuenca, na gumaganap na kontrabidang politiko sa Kapamilya action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo."
Wala namang kuwestyon sa acting skills ni Jake, pero ang napapansin daw ng mga manonood, ay kaniyang maputi at pinagsususpetsahang tila pinaayos na ngipin.
Nagtataka ang mga manonood na netizen kung ano raw ba ang nangyari sa ngipin ni Jake, na kung pakatititigan daw siyang mabuti, ay tila nahahawig na raw sa sikat na Canadian-American actor at comedian na si Jim Carrey.
Tila nakaapekto raw kasi sa looks ni Jake ang tila "veeners" na umano'y ipinalagay niya sa ngipin, o kung anuman daw ang dental procedures na ipinagawa niya.
Pinulutan na nga siya sa ilang social media pages sa Facebook at pinag-usapan na ang kaniyang ngipin.
Maging ang kilalang direktor at scriptwriter na si Ronaldo Carballo ay napansin na rin ito, batay sa kaniyang Facebook posts tungkol kay Jake, kapag nakakapanood ng Batang Quiapo.
Aniya, "Post ng isang Netizen now: 'Jake Cuenca, ano bang klaseng acting yan? Sana naging puro ipin ka na lang!'"
"Nakakatawa."
"Pero tama ang post."
"I super-agree!"
Pero bago ito, may nauna munang post ang direktor noong Hunyo 13 tungkol sa hitsura ngayon ni Jake at kung paano ito nakaaapekto sa kaniyang pag-arte.
Mababasa sa post ng direktor, "Anong nangyari kay Jake Cuenca sa 'Batang Quiapo?' Since day 1 na lumitaw sya sa Serye, pumangit na si Jake; tumanda ang itsura nya; Ang sama-sama pa ng pag-arte nya. Obvious na nagpaayos sya ng Dentures. Hindi naging maganda ang epek kay Jake."
"Nakasira lalo ito sa walang kwentang pag-arte nya na laging nandidilat na para syang naka-shabu! Hindi naman Drug Addict ang role nya. Wala man lang nagsasabi sa kanya na ang pangit na ng itsura nya at ang sama-sama pa nyang umarte! Lamun na lamon si Jake ni Coco as Tanggol sa husay ng pag-arte ni Coco. Even Angel Aquino & Andrea Brillantes na ang huhusay, nilalamon talaga si Jake ng buong-buo sa husay!" aniya pa.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang aktor tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.