Naglabas ng pahayag si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa aberyang nangyari sa 2025 Bicol Loco Festival.
Sa latest Facebook post ni Co nitong Miyerkules, Hunyo 18, humingi siya ng paumanhin sa mga hindi nakapasok sa ikatlong araw ng nasabing pagdiriwang.
“Nauunawaan namin ang inyong pagkadismaya, at kami po ay hindi bulag sa inyong hinaing,” saad ni Co.
Dagdag pa niya, “Bilang tugon, amin pong inirekomenda sa organizer/supplier na isauli ang bayad ng lahat ng hindi nagamit na ticket para sa Day 3.”
Kaya naman hinimok niyang makipag-ugnayan sa official Facebook page ng Bicol Loco Festival ang mga may ire-refund.
Samantala, tiniyak naman ng kongresista na ipagpapatuloy ng Bicol Loco ang layunin nitong mapalakas ang turismo na makakaakit sa mga bisita mula man sa loob o labas ng rehiyon.
“Dios Mabalos sa inyong suporta. Sama-sama nating itataas ang Bicol bilang sentro ng kasiyahan, kultura, at kaunlaran!” sabi pa niya.