Inaasahan ni Senador Risa Hontiveros ang mga kapwa niyang senator-judge na gawin ang kanilang tungkulin sa impeachment trial, kakampi man o kritiko ni Vice President Sara Duterte.
"Gaya nung sinabi ko dati pa, bilang senator-judge ay titingnan natin ng maigi ang lahat ng ebidensiya na ipepresenta sa impeachment trial ni VP Sara Duterte," saad ni Hontiveros sa isang video message nitong Martes, Hunyo 17, patungkol sa latest development ng nakabinbing impeachment trial ni Duterte.
Hinikayat ni Hontiveros na gawin din ng iba pang senator-judge ang kanilang tungkulin kaugnay sa impeachment trial.
"Noong nanumpa kami bilang senator-judge, naging tungkulin namin sa Senado na suriin at bumoto ayon sa bigat ng ebidensiya na ilalahad ng magkabilang panig sa impeachment trial. Kakampi man, o kritiko ng pangalawang pangulo. Sinusunod ko po ang tungkulin na iyan, at inaasahan ko rin ito sa ibang senador," saad ng senadora.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Hontiveros na hinihintay nila ang sagot ng bise presidente sa mga summon na inisyu sa kaniya ng Senate impeachment court.
"One good way for the Vice President to start presenting her arguments is by filing an answer to the summons issued by the Senate impeachment court last week. Hinihintay nating lahat ang kanyang magiging tugon dito, at sa mga susunod na proseso kaugnay ng impeachment trial."
Noong Hunyo 11 nang magpadala ang Senado ng writ of summons sa kampo ni Duterte, kung saan binibigyan sila ng 10 araw mula sa pagtanggap nito para tumugon sa mga articles of impeachment na ipinadala ng mababang kamara sa Senado noong Pebrero.
Nitong Lunes, Hunyo 16, ibinahagi ni Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol ang kopya ng Appearance – Ad Cautelam kung saan nakasaad dito na ang 16 na abogado ni Duterte ay manggagaling sa Fortun Narvasa & Salazar law firm.
BASAHIN: Sino-sino nga ba ang 16 na abogadong dedepensa kay VP Sara sa impeachment trial?