Tila "rumesbak" ang isang estudyante sa isang viral video na nagsasabing huwag daw tularan sina Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa at Davao City Vice Mayor Sebastian "Baste" Duterte, sa pagshe-share daw nila ng AI-generated videos.
Mapapanood sa video, "Hi guys! Huwag kayong tumulad kay Bato at Baste ah, maging mapanuri at mapagmatyag."
Ang nabanggit na estudyante, ay isang AI-generated lamang o gawa lamang ng Artificial Intelligence.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagbahagi ng isang video si Dela Rosa kung saan mapapanood ang nabanggit na estudyante na nagsasabing hindi dapat matuloy ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, ‘kumagat sa AI video’ ng mga estudyanteng ayaw sa impeachment ni VP Sara
"Mabuti pa ang mga bata nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo mga yellow at mga komunista!" mababasa sa caption ng senador.
Binatikos naman ng mga netizen ang senador dahil sa pagbabahagi raw ng video, na tila hindi raw niya alam na AI-generated ito.
Pero kambyo naman ni Sen. Bato, "I don’t care if this post is AI generated or Manobo generated because I am not after the messenger, I am after the message so, please don’t shoot the messenger without reading the message that he delivers."
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, binoldyak si Sen. Bato dahil sa AI-generated video: ‘Nakakawalang tiwala!’
Sinegundahan din ito ni VP Sara at sinabing wala raw siyang nakikitang problema sa mga nagpapakalat ng mga AI-generated video na nagpapahayag ng pagsuporta sa mga personalidad.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, pabor sa AI videos na sumusuporta sa mga personalidad