Nanawagan ang mga netizen kay Norman Balbuena o mas kilala bilang "Boobay" matapos kumalat ang ilang videos ng pagkakahimatay niya habang nagpe-perform sa isang out of town event.
Sa latest episode ng "Ogie Diaz Showbiz Update," sinabi ni Ogie na marami raw sa mga netizen ang nakaramdam ng awa para sa Kapuso comedian, kung saan naalala na naman nila ang insidente ng pagtigil ni Boobay habang nakasalang sa "Fast Talk with Boy Abunda" at nasaksihan ng mga manonood, sa national television.
Sa video, makikitang masayang kumakanta si Boobay at nakisalamuha pa sa audience. May hinalikan pa nga siyang kelot na nakaupo sa bandang harapan.
Nang lumalakad na siya ay makikitang tila nawalan siya ng enerhiya at tila nauupos na kandilang nabuwal. Mabuti na lamang at nasalo siya ng isang babaeng nasa audience kaya hindi siya bumagsak sa lupa. To the rescue naman ang medic at binitbit na siya sa backstage.
Sinariwa naman ni Ogie ang naging panayam niya kay Boobay noon patungkol sa sakit niya. Inamin naman ni Boobay na nagkakaroon siya ng episode kapag wala siyang tulog, kapag dire-diretso ang trabahong tinanggap niya, at kapag todo-lagari siya sa raket. Bukod kasi sa out of town shows at regular na programang "The Boobay and Tekla Show" o TBATS, sumasampa pa rin si Boobay sa comedy bars.
Pero paliwanag ni Boobay, dahil nga sa sakit niya ay nagbawas na rin siya ng araw ng pagtatrabaho sa comedy bars para maiwasan na ang pagpupuyat at pagpapagod nang malala.
Nang matanong naman kung bakit hindi pa rin humihinto si Boobay sa pagko-comedy bar, sinabi niyang mahirap daw itong matanggal sa sistema niya.
Tinawag niya ang kondisyon niya bilang "absence seizure" o pagkablangko ng isang pasyente sa loob lamang ng ilang segundo, kagaya ng nangyari sa kaniya sa FTWBA.
KAUGNAY NA BALITA: Mga nararanasang 'hang' ni Boobay, epekto ng kaniyang pagkaka-stroke noong 2016
KAUGNAY NA BALITA: Boobay, naging unresponsive sa interview sa 'Fast Talk'
Nag-ugat naman daw ang absence seizure niya sa pagkakaroon ng mild stroke noon.
Samantala, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag tungkol dito si Boobay.